“Pag-ibig sa Maykapal”
ni Ma. Luisa B. de Veyra
[i]
Dakila ka sa tanan, Panginoong Jesu-Cristo;
walang makasusukat sa kapangyarihang taglay mo;
‘kaw lang may tangan sa kalawaka’t sa mundong ito;
kami nama’y likha, mga abang tagapaglingkod mo.
O Diyos! tunay ang iyong kabutihan at katapatan;
Sa dugo mong inialay, nakamit ko ang kaligtasan;
May mga pangyayaring hindi ko nauunawaan;
Pighati ng nakaraan, takot sa kasalukuyan, pangamba sa kinabukasan;
Ngunit sinabi mo Panginoon, ano nga ba ang aming dapat pag-alalahanan?
Gayong mga mumunting ibon nga’y hindi mo pinababayaan.
Panginoon kong nabubuhay, puso ko’y pakinggan;
Sapagkat pag-ibig ko sayo’y walang mapagsidlan;
Ang aking pastol, tuwing buhay ko’y nasa kalituhan;
O Diyos sa piling mo ang nais kong maging hantungan.
[transitional verse]
Kailanman kami ay hindi mo pinabayaan;
Mula sa ‘ming mga ninuno, ika’y laging nariyan;
Iba-iba man ang kaugaliang aming nagisnan;
Di mo alintana pagkat puso ang iyong tinitingnan.
[ii]
Ang buhay ng tao’y parang bulaklak sa kaparangan;
Nawawala’t nalalagas kapagka nahanginan;
Subalit tayo’y mapalad, si Bathala’y naririyan;
Ang ating moog, natatanging may hawak sa tanan.
Ang agwat ng lupa at langit, akin mang sukatin;
Di sapat upang batayan ng pag-ibig nya sa atin;
Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran;
Sya ring magtatanghal ng pag-ibig nyang walang hanggan.
Makapangyarihang Bathala, nawa iyong tanggapin;
Pag-ibig sa puso ko, sayo ay nais kong awitin;
Buhay ko’y iaalay upang ikaw’y mapaglingkuran;
Upang ika’y makapiling sa malawak mong kaharian.
[transitional verse]
Ika’y nalulugod sa mga nasa iyo ay may takot;
Nasasaktan naman sa ‘twing kami’y nasa daang baluktot;
‘kay dapat sambahin sa bawat sandaling kami’y nabubuhay;
Hanggang sa sandaling ikaw na ang sa ami’y nakatunghay.
[iii]
O Kristong Dakila ikaw’y aking iniibig;
Mula umaga ‘gang takipsilim, kaw ang nasa isip;
Sa kapangyarihang taglay mo, walang makahihigit;
Ang buong Iglesia’y walang sawa na ika’y pupurihin.
Ako’y hindi karapat-dapat sa anumang biyaya mo;
Subalit binigyan ng pagkakataong mabuhay para sa iyo;
Balutan mo ako ng iyong kabanal-banalang dugo;
Upang maialay buong buhay sa paglilingkod sa iyo.
Sa gitna ng pagsubok, ang salita mo ay lakas ko;
Sa panahon ng karimlan, iniligas ang tulad ko;
Panaghoy ng aba mong lingkod, palagi mong nadidinig;
Bag’mat ang maiaalay ko lang ay aking pag-ibig.
[transitional verse]
Bulag man ang mundo at bingi ang mga tao;
Para hindi masaksihan ang kadakilaan mo;
Ang tulad ko sana ay gawin mong instrumento;
Maging buhay na saksi ng kabutiha’t awa mo.
[iv]
Allaahu Akbar, ang Diyos ay tunay na dakila;
Sya ay nag-iisa lamang at tanan ay likha nya;
Sa kabutihang taglay nya, sino ang mag-aakala;
Tulad ko’y pinagkalooban, buhay na pinagpala.
Pag-ibig ko sa kanya’y parang kawayan sa kagubatan;
Hinding-hindi matitinag anumang unos ang magdaan;
Parang bituing nagniningning sa gitna ng kalangitan;
Na mas lalong tumingkad sa gitna ng kadiliman.
Parang tubig sa batis na patuloy na dumadaloy;
Dandeliong namumulaklak sa tabi ng dalampasigan;
Noong espiritu ko ay nagmistula nang palaboy;
Ang pag-ibig niya ang syang nagsilbi kong kanlungan.
[transitional verse]
Sinumang nilalang na mayroong suliranin;
Panghihina, pag-iisa o nasa alanganin;
Ay may katiyakan na iyo ngang hahanguin;
Basta’t pananampalataya ay nasa sa amin.
[v]
Ang aking pag-ibig sa ating Poong Maykapal;
Idadaan sa awit ng pusong nagmamahal;
Batid kong dinig nya mula sa kaitaasan;
Hiling ay pagpapala mula sa Naliwanagan.
Namo Amida Buddha;
Ang pag-ibig ko sa iyo ay nag-uumapaw;
Tulad ng buhangin na nasa dalampasigan;
Pag-ibig ko sa iyo sadyang walang sukatan;
Nang dahil sa iyong pagiging mahabagin;
Patuloy na pinagpala ang katulad namin;
Na bagamat nagkakamali, nariyan ka pa rin;
Pag-ibig kong alay nawa ay iyong tanggapin.
[closing verse]
Iba-iba man ang denominasyon ng ating pananampalataya;
Iisa pa rin ang ninanais naming ipadama;
Pag-ibig sa nag-iisa, sa siyang pinakadakila;
Sa Maykapal na sa lahat, Siya lamang ay may likha.
No comments:
Post a Comment